
Bagama’t bumababa ang bilang ng mga krimen sa bansa batay sa datos ng Philippine National Police (PNP), nananatili umano ang pangamba ng publiko dahil sa mga kumakalat na post sa social media.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon marami sa mga post kaugnay ng krimen ay walang konteksto, hindi inilalahad ang buong detalye at minsan ay hindi talaga totoong nangyari.
“Let’s be clear: crime is going down. The data is there,” sabi ni Bonga¬lon na ang tinutukoy ay ang datos ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, na nagpapakita umano ng pagganda ng seguridad ng publiko sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Ayon sa datos ng PNP, bumaba ng 26.76% ang mga focus crime, o mula 4,817 kaso mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2024 ay naging 3,528 na lamang sa kaparehong panahon ngayong taon. Ang mga focus crime ay theft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury at pagnanakaw ng motorsiklo at iba pang sasakyan.
Sinabi ni Bongalon na nasasapawan ang datos ng mga viral social media content kaya nababahala ang publiko.
“Ang daming nagbabahagi ng videos o kwento na walang buong konteksto. Nangyayari sa ibang bansa, ipapakalat na parang dito nangyari. Ito ang nagpapalaki sa takot ng mga tao, kahit hindi naman ito tugma sa totoong sitwasyon,” sabi ni Bongalon.
Nauna ng hinimok ni Marbil ang mga media practitioner at online user na iulat ng patas ang mga krimen at ilagay ang tamang konteksto nito